Friday, December 15, 2006

multo, unang engkwentro

naalala ko noong bata pko, edad ko noon mga anim na taon, dekada 70 pa--wala pang serbisyo ng elektrisidad sa baryo na nilakihan ko. Na-ampon lang ako at pinalaki ng dalawang mag asawang matanda.

Simple lang yong naging karanasan ko about sa mga multo.

Bagong ani lang na mais noon at panahon ng lulubog-lilitaw ang buwan dahil maulap. Tanging dalawang gasera lang ang nagbibigay ng liwanag sa amin para "MAGPUSI" (salitang ilokano para sa trabahong mais--hehheh dko mailahad ang eksaktong salita sa tagalog, sa mga ilokano alam nila ito).

Sa balcon ng bahay kami gumagawa. Nakauwi na yong ibang kapitbahay at ng kami nalang ang natira sa balcon, napansin ng INANG ko ang mga anino sa may plaza. Mga aninong nagbibisekleta. Tandang-tanda ko kasi nakita ko mismo. Sa liwanag ng buwan maiitim na anino na nagbibisekleta. Wala namang ingay!

Matagal ng panahon. Patay na yung dalawang matanda, giba na ang dating bahay. Nandon pa rin ang plaza. Nitong huli kong uwi doon, naipagtapat ni manang JANING sa akin na madalas nakikita sa plaza ang anino ng dalawang matanda. :-(

Buhay pa sa aking alaala ang pangyayari nang mapansin kong kumukurap ang mga mata ng larawan ni virgin mary sa may altar namin..maaaring malikmata ko lang yon..Subalit may hilakbot na iniwan ang malikmatang iyon sa akin. Naging matatakutin ako na dala ko pa rin until now.

Isa sa mga dko malimutang bangungot ng isipan ko ay ang pag alulong ng isang aso sa puno ng BANGAR, isang puno sa may gitna ng bukid namin na nagkukonekta sa Baryo ng NANGALISAN at GATANG. kailangan kasing pumunta kami ni TATANG ISONG ko noon sa gatang para kuhanin ang mga "PINUSING MAIS". Nakasakay sa kalabaw si TATANG at ako naman sa hila-hilang ULNAS. Gabi na noon, mga pasado alas-10. Nang mapadaan kami sa puno na kung tawagin nila ay BANGAR, biglang nagsungit yung kalabaw! Kasunod ang nakakakilabot na alulong ng isang aso na nasa taas ng puno. " DUMALAN KAMI LAENG APO, HAAN NA KAMI NGA ANANUEN!" , tanda ko pang sigaw-sambit ni TATANG ESONG. Kinabukasan na kami nakauwi. Madalas ko noon pagmasdan ang puno kapag nagpapastol kami ng kalabaw. Hindi mo masilip ang loob ng puno, napakayabong kasi ng mga dahon at masanga. Usap-usapan na at isa nang alamat ang punong yon noon noon pa. Isang aso na umaalulong ang madalas magpakita doon at isang huklubang matanda ang naaaninag sa may ilalim nito kapag magdadapit-hapon na. Sa ngayon wala na yong punong yon..hanggang kwento na lang ng mga matatanda ang punong yon..Subalit, sariwa pa sa aking kamalayan ang pangyayari.,

Minsan masarap balikan ang mga lugar na bumalikat sa paglaki mo. Sa tuwing magbabakasyon ako doon lagi akong umiiyak, hindi dahil sa mga werdong naranasan ko. Kundi sa dalawang matanda na bumalikat sa akin, dahil noong mamatay sila, wala ako sa kanilang tabi, hindi ko sila nakita.

Nakaranas lang ako ng mga werdong ganyan since bata pko (mga edad 5-12) ..cguro dahil masyadong liblib yung baryo namin noon..or bunga na rin ng lagi kong pakikinig sa mga drama sa DZRH gamit ang de bateryang transistor..nasubaybayan ko ang ZIMATAR, MAGNON, KAPITAN KIDLAT, DANIEL BArtoLO ng Sapang BAto, at GAbi ng LAGIM! Halos isang aparador din ang mga koleksyon ko ng mga FANTASY komiks, HOLIDAY Komiks, THRILLER Komiks, (paborito ko ngang ilustrator at manunulat si Vincent Kua Jr--da best magsulat ng horror story). Hanggang ngayon nasa akin pa ang THE EXAMINER Newspaper magazine about sa kontrobersyal na pagkamatay ni Julie VEGA.

No comments: