Friday, December 15, 2006

Ang Anino ni Vincent

...sa madilim na silid ay aninag ang anino ng isang lalaki. banaag ang kanyang paninimdim. Lipos sya ng kapanglawan. Ginagap ang baril. Umaalon ang dibdib habang itinututok ang duluhan ng baril.Isang nakabibinging putok ang umalingawngaw sa silid. Nagtalsikan ang mga dugo. Humandusay ang lalake. Tirik ang mga mata.

"..bro magkano down ni Mr. Sales sayo?", tanong ni Ramil kay Ernesto.

"..ayos lang tol.heto nakabili ako ng Laptop, may free download software pa.",tugon nitong Ernesto na bakas ang kasiyahan sa mukha. "halika chowking muna tayo ng wala kang masabi..."

"ayun, natumbok mo rin ang inaasam ng mga bulate ko sa tyan tol, heh heh.", angas-ngiti nitong Ramil na natulo pa laway pagkarinig sa salitang chowking.

Manunulat itong si Ernesto. Nabigyan ng pagkakataon upang kumatha ng isang natatanging kwento sa natatanging okasyon. Para sa isang manunulat, ang lubhang napakatahimik, kumbaga, napaka solemn na lugar ang dapat nitong kalagyan. Sa ganon, nakakapagbuo sya ng mga mahuhusay na ideya, nakakapagtagpi-tagpi sya ng mga angkop na banghay, at nakukulapulan nya ng ibat ibang kulay ang bawat yugto ng buhay ng kanyang mga pangunahing tauhan.

Subalit para kay Ernesto, ang kanyang silid ang pinaka-ideal na lugar. Pinatay nya ang ilaw. Tanging ang ilaw na nasa bakuran nila ang pansamantalang nagbibigay ng konting liwanag, bukod pa sa ilaw ng LCD ng kanyang Laptop. Pagkabukas na pagkabukas ni Ernesto ng kanyang Laptop ay halos wala syang makita kundi ang umpisahang pagsulpot ng mga mumunting dot sa screen. Kahit anong pindot nya sa ESC ay walang puknat sa pagsulpot ang mga iyon.

"na-virus na yata ako.", bulalas nya sa sarili.

Nais nyang tawagan si Ramil para itanong sana kung ano ang problem ng Laptop. Subalit pasado alas dos na ng madaling araw. Inakala na lang nya na baka bagong program lang yon na nilagay ng dating may ari ng Laptop.

Paglingon nya at pagharap muli sa screen ay unti-unting nakikita nya ang isang hugis na binubuo ng mga dots. Isang mukha ang itinatagpi..isang malamlam na mukha ng lalake. Biglang nakaramdam ng pagkatakot si Ernesto. Parang wala siya sa kanyang silid. Parang nasa gitna sya ng madilim na sementeryo.
Nagsimulang mangalisag ang kanyang mga balahibo. Nagtulusan ang kanyang mga buhok sa ulo. Ayaw na niyang makita pa ang mukhang patuloy na hinuhulma ng mga dots. Bunga ng labis na pagkatakot ay hinugot na nya sa outlet ang saksakan ng Laptop. Against the light ay nakita nya ang mismong anino (na normal lang) sa screen ng LCD. Subalit nanlaki ang mga mata nya ng sa likod nya ay may isang anino ring NAKADUKWANG sa kanya.

Nagtatakbo sa salas si Ernesto. Hindi na sya nakatulog ng mga oras na iyon. Kinaumagahan, muli nyang tiningnan ang Laptop subalit di na tinangkang buksan ito. Nakita nya sa ilalim ang isang sticker na nakalapat. May pangalan ng tao doon at landline. Tinawagan nya ito at napag-alamang doon galing ang Laptop. Ganito ang pahayag ng babaing nakausap ni Ernesto sa phone:

oo, binenta namin ang mga gamit ng anak kong si Vincent matapos ang kanyang libing. Nagpakamatay siya sa kanyang kuwarto sa hindi malamang dahilan...lahat ng gamit nyang natalsikan ng kanyang dugo ay minabuti naming ilabas ng bahay. Isa sa naibenta namin ay ang computer na inagusan ng kanyang dugo matapos magbaril sa sarili..

No comments: