Friday, December 15, 2006

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye tres): kasaysayang sambit ni tatang Esong

"..oi esong hindi ka na tinedyer ha, tatang-edyer ka na!.., agtalna ka kadi dito'y balay!..",ang bungad ng nanang ko Saring kay Tatang Esong habang kinakapalan nito ng "three flowers pomade" ang ubanin nang buhok.

"..parang hindi ka na nasanay sa akin..ag-combo kami kaduak da Janong!..",ang sagot ni tatang Esong.

Sisentay-dos na si Tatang Esong. Laylay na ang balat sa pisngi,halata na ang pangangalumata. Imimpis na rin ang labi. Halata na ring humina sa paglalakad. Subalit isang bisyo ang hindi na niya maalis-alis: ang "BAILEY".Bagamat nasanay sa "kabaret" sa Urdaneta noong kanyang kabataan, hindi na maalis-alis ang sayawan sa isang sulok ng kanyang pagnanasa. Hindi niya daw makalimut-limutan ang paghawak sa balakang ng isang "balasang". Ang pagniniig ng kanyang pisngi sa pisngi ng dalagang kasayawan. Ang paglanghap sa hininga nito na halatang nginuyaan lang ng tatlong garapong tsiklet.

Buy and Sell ng kalabaw si tatang Esong noong kanyang kalakasan. Bawat magsasaka sa baryo namin ay siya ang nilalapitan upang magpasama sa Urdaneta na bumili ng kalabaw. Kabisado ni tatang Esong ang kalibre ng isang kalabaw. Lahat ng pili niya ay sertipikado at pihadong napakahusay. Isang gabi lang ng kabaret ay sapat na sa kanya. Natatandaan ko noon na madalas niya akong gisingin sa umaga upang kainin ang dala niyang "patupat". Isang uri ng kakanin na niluto sa katas ng tubo. Bihira ko nang makain ito ngayon.

Mabait si tatang Esong. Subalit naka-marka na sa kanya ang salitang "BAILEY" at "KABARET". Tinagurian din siyang "Esong Paborek" dahil kapag may nakaka-away ay naghahamon ng laban sa gitna ng bukid dala ang kanyang mga kamagong at baston. Nag-aral kasi siya ng arnis noong araw. Kaya madalas ako ang taga-bitbit ng isang pares ng kamagong sa tuwing makikipag-bailey siya.

Noong gabing iyon ay nagtatalo sila ni Inang Saring. Subalit talagang hilig talaga ni tatang Esong ang bailey. Uma-ambon ambon noon kaya hindi na niya ako naisama. Kasama niya ang mga kumpanyero niyang sina lakay Janong, Eseng, Lodeng, at Enzo. Mga mahuhusay tumugtog sa sayawan.

Mag-iikawalo na ng gabi ng tahakin nila ang daan ng Nangalisan papuntang Gualsic kung saan sila tutugtog. Alam nila ang kuwento sa puno ng BAEG~. Malayo pa lang ay tinutugtog na nila ang sonatang "O Naraniag a Bulan". Malayo pa lang sila'y "nagdip-pes"(humapay) na ang puno ng kawayan sa tapat ng BAEG~. Sanhi para hindi sila makadaan. Tumigil sila sa pagtugtog at naghintay ng mga makakasabay papunta ng Gualsic. MAg-iisang oras na silang tugtog-usap-tugtog-usap ay walang dumaraan. Nandon pa rin ang humapay na puno ng kawayan. Pasado alas-nuebe na nang makarinig sila ng halinghing ng kabayo sa may puno,sinundan ito ng alulong ng isang aso. Lumalangitngit ang mga kawayan. Sa liwanag ng buwan ay kitang-kita nila ang isang tao na nakasakay sa kabayo na nagpapastol sa itaas ng kawayan.Kinakain ng kabayo ang mga talulot ng kawayan na parang sa pagkain ng kalabaw. Nakakakilabot ang bawat ngasab! ng kabayo.

Nagtatakbo sila pabalik ng Nangalisan. Humimpil sila sa bahay ni Lakay Marsing at naki-inom ng tubig. Pero nagsipulasan sila dahil walang-ulo ang inaakala nilang si lakay Marsing. Kinilabutan sila nang mapansing hindi bahay ni lakay Marsing ang natakbuhan kundi ang kalapaw (dampang-bukid) ni Lakay Orlan na malapit sa puno ng BAEG~! Sa takot ay niligid nila ang Dike at sinundan ang nakikita nilang ilaw sa bandang Curareng.

Pagkatapos nilang tumugtog sa sayawan ay na-atake sa puso si Lakay Enzo.

Usap-usapan talaga kahit noong maliit pa ako na kumukuha taun-taon ang puno na iyon. Wala pa kasing kuryente noon. Gasera lang. Sikat ka na kapag meron kang plaslayt. Meron mang telebisyon ay de-baterya (batterya ng truck).

Nitong huli kong sipat sa puno ay hindi na mayabong ang dahon. Wala na ding gaanong balita. Patay na ang mga membro ng "KUTIBENG BAND" na kung saan kasama si tatang Esong. Subalit, nasa kamalayan pa rin ng mga natitirang matatanda doon ang bawat pahina ng lagim na hinulma ng punong BAEG~.

(",)

No comments: