Friday, December 15, 2006

Ang Anino ni Vincent

...sa madilim na silid ay aninag ang anino ng isang lalaki. banaag ang kanyang paninimdim. Lipos sya ng kapanglawan. Ginagap ang baril. Umaalon ang dibdib habang itinututok ang duluhan ng baril.Isang nakabibinging putok ang umalingawngaw sa silid. Nagtalsikan ang mga dugo. Humandusay ang lalake. Tirik ang mga mata.

"..bro magkano down ni Mr. Sales sayo?", tanong ni Ramil kay Ernesto.

"..ayos lang tol.heto nakabili ako ng Laptop, may free download software pa.",tugon nitong Ernesto na bakas ang kasiyahan sa mukha. "halika chowking muna tayo ng wala kang masabi..."

"ayun, natumbok mo rin ang inaasam ng mga bulate ko sa tyan tol, heh heh.", angas-ngiti nitong Ramil na natulo pa laway pagkarinig sa salitang chowking.

Manunulat itong si Ernesto. Nabigyan ng pagkakataon upang kumatha ng isang natatanging kwento sa natatanging okasyon. Para sa isang manunulat, ang lubhang napakatahimik, kumbaga, napaka solemn na lugar ang dapat nitong kalagyan. Sa ganon, nakakapagbuo sya ng mga mahuhusay na ideya, nakakapagtagpi-tagpi sya ng mga angkop na banghay, at nakukulapulan nya ng ibat ibang kulay ang bawat yugto ng buhay ng kanyang mga pangunahing tauhan.

Subalit para kay Ernesto, ang kanyang silid ang pinaka-ideal na lugar. Pinatay nya ang ilaw. Tanging ang ilaw na nasa bakuran nila ang pansamantalang nagbibigay ng konting liwanag, bukod pa sa ilaw ng LCD ng kanyang Laptop. Pagkabukas na pagkabukas ni Ernesto ng kanyang Laptop ay halos wala syang makita kundi ang umpisahang pagsulpot ng mga mumunting dot sa screen. Kahit anong pindot nya sa ESC ay walang puknat sa pagsulpot ang mga iyon.

"na-virus na yata ako.", bulalas nya sa sarili.

Nais nyang tawagan si Ramil para itanong sana kung ano ang problem ng Laptop. Subalit pasado alas dos na ng madaling araw. Inakala na lang nya na baka bagong program lang yon na nilagay ng dating may ari ng Laptop.

Paglingon nya at pagharap muli sa screen ay unti-unting nakikita nya ang isang hugis na binubuo ng mga dots. Isang mukha ang itinatagpi..isang malamlam na mukha ng lalake. Biglang nakaramdam ng pagkatakot si Ernesto. Parang wala siya sa kanyang silid. Parang nasa gitna sya ng madilim na sementeryo.
Nagsimulang mangalisag ang kanyang mga balahibo. Nagtulusan ang kanyang mga buhok sa ulo. Ayaw na niyang makita pa ang mukhang patuloy na hinuhulma ng mga dots. Bunga ng labis na pagkatakot ay hinugot na nya sa outlet ang saksakan ng Laptop. Against the light ay nakita nya ang mismong anino (na normal lang) sa screen ng LCD. Subalit nanlaki ang mga mata nya ng sa likod nya ay may isang anino ring NAKADUKWANG sa kanya.

Nagtatakbo sa salas si Ernesto. Hindi na sya nakatulog ng mga oras na iyon. Kinaumagahan, muli nyang tiningnan ang Laptop subalit di na tinangkang buksan ito. Nakita nya sa ilalim ang isang sticker na nakalapat. May pangalan ng tao doon at landline. Tinawagan nya ito at napag-alamang doon galing ang Laptop. Ganito ang pahayag ng babaing nakausap ni Ernesto sa phone:

oo, binenta namin ang mga gamit ng anak kong si Vincent matapos ang kanyang libing. Nagpakamatay siya sa kanyang kuwarto sa hindi malamang dahilan...lahat ng gamit nyang natalsikan ng kanyang dugo ay minabuti naming ilabas ng bahay. Isa sa naibenta namin ay ang computer na inagusan ng kanyang dugo matapos magbaril sa sarili..

kaskaron

Pampatawag kisi-kisi
ni nanang ko napan diay sipi
napan nangala ti salapi
inted na kada kami


Ang matanda at maikling koro ng pangaluluwang awitin na aking nakagisnan. Matanda pa ito sa akin. Ilang henerasyon na rin ang kumatha nito at namamalasak sa tuwing ika-1-2 ng Nobyembre kada taon. Marami na ring naikuwento sa akin si amang lakay patungkol sa mga kakatawang nangyayari daw sa tuwing kinakanta ang maiksing koro na ito sa aming lugar.

Hindi ko malilimutan ang kurot sa aking puso mula sa kuwento ni Rita at Idis:

"Inang, gagawa ba kayo ng kaskaron ngayong araw ng mga patay?", ang tanong ni Idis sa Inang niyang namimiga ng mga nakudkud na niyog.

"oo, darating kasi sina manang mo Rita ngayon at paborito niya itong kaskaron (isang uri ng kakanin na hinulma buhat sa mga palad at niluto sa purong pulot' at sinakob)," ang sagot ng matanda sabay senga sa nakalaylay niyang manggas.

Sa di kalayuan, ay nananabas naman si Tandang Irvin ng mga dahon ng saging para sa gagawing latik at tupig.

"Inang si Amang lakay o sakang na sakang at bakit nanginginig ang mga tuhod habang kumukuha ng mga dahon?", ang nangungulit at walang magawang Idis.

"nakoooww~!ang kulet ng batang ito.punta ka muna sa bangsal at tingnan mo kung may tubig pa tayo", ang wika ng matanda.

"si Inang naman, utos-palsuot na naman..hmmmpp!~", ang tamad na bata.

Hindi alam ni Idis na ang tunay niyang nanay ay si Rita.

"magmano ka Idis..hoy..magmano ka kay Manang mo Rita o..", ang utos ng kanyang Inang nang makarating si Rita kasama ang asawa at tatlo pang anak nito.

Dumating din sina Carling at halos maubos ang latik at kakaning naihanda ng dalawang matanda.

"hoy Irvin, halika nga dito!", ang pasigaw ng matandang babae sa asawa.

Malapit kay tandang Irvin ang mga anak nina Rita at Carling. Kapag nauuwi ng probinsya ay kahit papaano'y naliligayahan ang matandang lalake. Madalas kasi itong magkuwento ng kung anu-anong kababalaghan sa mga batang paslit. Itinuring na niyang mga sariling apo ang mga batang ito.

"mga apokok~, mamayang gabi samahan ninyong humingi ng mga kakanin ang mga patay~!", ang marahang paglalahad ni tandang Irvin.

"baket po nanghihinge ng mga kakanin ang mga patay lolo Irvin?", ang tanong ni Idis.

"kasi, babaunin nila iyon sa kanilang paglalakbay. may mga kaluluwang nandito pa sa lupa at umiikot-ikot lang..", ang pagkukuwento na ng matanda.

Isinama ni Idis ang kanyang mga itinuturing na pinsan sa pangangaluluwa. MArami silang naipon na mga sari-saring kakanin mula sa mga bahay na kanilang kinakantahan.

"naku! bakit nyo naman pinagpunas ang tshirt ng asawa ko!?", ang pagpuputak ni Rita gabing-gabi.

"pasensyahan mo na ako anak ko, akala ko kasi punas namin yan dito sa kusina"., ang uubo-ubong tandang Irvin.

"kahit kelan talaga palpak kang matanda ka~!", ang nagpupuyos na galit na Rita.

"hayaan mo na, eh matanda yan, ano kaba?!", ang saway ni Dyunyor, sa nagpuputak niyang asawa.

"hay naku, tumatandang paurong yan, kahit noon pa hindi malinis ang bawat kilos niyan, sariwak-ka ang matandang yan.!", ang galit pa ring Rita.

"pasensya na anak ko, doon na lang ako sa kalapaw matutulog, hehehe.", ang patapik-tapik pang matanda sa balikat ni Dyunyor.

"pasensyahan nyo na yang anak nyo tatang, ganyan ugali nyan di ba?bat pa kayo don matutulog eh malamig don.?", ang naaawang Dyunyor.

Paika-ikang tinungo ng matanda ang kubo don sa bukana.

Napansin ng batang Idis na may mga taga-ibang ibayo na namang nagsasagawa ng prusisyon. Kitang-kita niya mula sa malayo ang pulutong ng mga kandilang ilawan. Ganito rin ang nakita nya noong isang taon habang nangangaluluwa sila sa bahay bahay. Ang pinagtataka lang ng kanyang murang isipan ay hindi nakakaderetso ang pulutong na nagpruprusisyon sa kanilang baryo. Kinabukasan na lang noong isang taon ay dalawang matatanda ang namatay.

Alas dose ng gabi nang umalulong ang aso ni tandang Elis. Mataas na ang araw ng makitang isa nang bangkay ang tandang Irvin. Nakabaluktot itong nakahiga sa munting kubo na yon sa bukana.

Sa isang linggong burol ng matanda, laging umiiyak ang Rita. Naaalala niya ang matandang labis na nagmahal sa kanya. Wala palang pagkukulang ang matanda sa kanya simula noong maliit pa siya. Nagalit lang ito at na-stroke nang siya'y makipagtanan at mabuntisan. Hanggang ngayon, hindi pa alam ni Idis na siya ang tunay nyang Ina.

Ngayon, ang kubo na iyon ay tinibag na. Subalit sa tuwing uuwi si Rita tuwing undas, nagsisindi siya roon ng kandila at hindi niya maapula ang luha sa tuwing maalala ang kanyang magaspang na turing sa matanda. Sa tuwing maririnig ang maigsing koro ng pangangaluluwang kanta na iyon ay iniisip niyang nasa paligid lang ang itinuring niyang ama.

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye kwatro): Ang karanasan ni Babelong at Pedyot

Kapistahan ng Nangalisan:

”..pustahan mo ako kabsat sa karera ng mga bilesketa..”, ang nabulol pang Pedyot.

”..bisekleta, bibbeb!..”ang natatawang Amor

”..parehas na den yun, babreyt! Magmulumog (mumog) ka nga muna kabsat..” ang ganti ng Pedyot.

------------------

“..mula dito sa laud iikot ng dike at sa Curareng ang babaan…”, si tandang Doro sa pagbibigay ng mga regulasyunes sa karera..,”..walang magpapalit ng bike. Pag nasiraan kung makakahabol ay pilitin..”

Maya maya.

”..pprrrrrrrrrrrrttttttttt!!!..”, ang mahabang hudyat ng pito ni tandang Doro.

Game na.

Sabay-sabay na umarangkada ang pitong kalahok. Nahuli si Pedyot dahil gumagawa pa ng senturong “alupase”(manipis na balat mula sa puno ng saging). Halakhakan at halos gumulong sa kakatawa ang mga sutil. Naglabasan ng bukid ang mga pustador. Nangunguna si Babelong, sunod si Menyong, nagtatapatan sina Andreng at Leoncio. Sumusunod sina Anding, Kuboy, at Pedyot.

Hindi pa sila nakakalayo ay pumatak ang mahinang ulan. Tumitila ito at bumubuhos ng pabulwak hanggang nagmistulang isang ambon.

Dumulas ang daan sa dike. Hindi makapagpatakbo ng matulin ang mga seklista “kuno”. Ito ang lamang ni Pedyot. Matapang at barabarabay. Hindi nagmimenor. Walang sinasanto ang bike niya kahit tumabinge ang monobela. Naungusan niya sina Kuboy, Anding, Leoncio, at Andreng. Pangatlo na siya ngayon. Pumangalawa siya ng bumaba sa dike ng Curareng.

Lahat ng taong baryo ngayon ay nasa bukana na ng “daya”(kabilang dulo ng baryo mula sa laud). Inaabangan nila ang pagsulpot ng mga seklista “kuno” at doon sa tapat mismo ng puno ng baeg~.

Bumagal ang takbo ni Babelong. Parang kabayo na naka-amoy ng panganib. Hinintay niyang makasabay si Pedyot at si Menyong. Ika-apat ng hapon pero makulimlim dahil sa ambon~. Lingon ng lingon si Babelong. Nagtataka na rin si Menyong mula sa malayo sa pagbagal ni Babelong. Iisa ang kanilang kinukutob. Pero natanaw na ni Babelong ang mga naghihiyawang mga tao sa bukana. Papalapit na rin itong si Pedyot. Muling binilisan ni Babelong ang pagpidal sa kanyang bike.

Napigtas ang sinturong alupase ni Pedyot sanhi upang tumigil siya at malampasan lamang ni Menyong. Lumingon pa si Menyong na parang nagtanong pa kung bakit?

Nasa tapat na si Babelong ng puno. Naramdaman niya ang napakalamig na ihip ng hangin. Sapat na para tayuan siya ng balahibo. Naramdaman niyang parang may humila sa kanyang bike sa likuran. Mabilis ang arangkada niya pagdaan doon subalit para siyang nasapot ng nasa tapat na siya. Ramdam niya ang pagbagal ng abante niya. Naunahan siya ni Menyong na tuluy-tuloy. Nakalayo na siya sa puno ng makita niya si Pedyot na sumirko! Naunang lumagapak sa batuhang daan ang pobreng Pedyot at namalikmatahan ni Babelong na parang may nakasakay sa sumesirkong bike.

Puro galos ang Pedyot na pinangko ng mga nakasunod na seklista..

”..may maligno sa puno, maniwala kayo..naramdaman ko!”, ang sigaw ni Babelong habang paparating sa bukana.

(“,)

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye tres): kasaysayang sambit ni tatang Esong

"..oi esong hindi ka na tinedyer ha, tatang-edyer ka na!.., agtalna ka kadi dito'y balay!..",ang bungad ng nanang ko Saring kay Tatang Esong habang kinakapalan nito ng "three flowers pomade" ang ubanin nang buhok.

"..parang hindi ka na nasanay sa akin..ag-combo kami kaduak da Janong!..",ang sagot ni tatang Esong.

Sisentay-dos na si Tatang Esong. Laylay na ang balat sa pisngi,halata na ang pangangalumata. Imimpis na rin ang labi. Halata na ring humina sa paglalakad. Subalit isang bisyo ang hindi na niya maalis-alis: ang "BAILEY".Bagamat nasanay sa "kabaret" sa Urdaneta noong kanyang kabataan, hindi na maalis-alis ang sayawan sa isang sulok ng kanyang pagnanasa. Hindi niya daw makalimut-limutan ang paghawak sa balakang ng isang "balasang". Ang pagniniig ng kanyang pisngi sa pisngi ng dalagang kasayawan. Ang paglanghap sa hininga nito na halatang nginuyaan lang ng tatlong garapong tsiklet.

Buy and Sell ng kalabaw si tatang Esong noong kanyang kalakasan. Bawat magsasaka sa baryo namin ay siya ang nilalapitan upang magpasama sa Urdaneta na bumili ng kalabaw. Kabisado ni tatang Esong ang kalibre ng isang kalabaw. Lahat ng pili niya ay sertipikado at pihadong napakahusay. Isang gabi lang ng kabaret ay sapat na sa kanya. Natatandaan ko noon na madalas niya akong gisingin sa umaga upang kainin ang dala niyang "patupat". Isang uri ng kakanin na niluto sa katas ng tubo. Bihira ko nang makain ito ngayon.

Mabait si tatang Esong. Subalit naka-marka na sa kanya ang salitang "BAILEY" at "KABARET". Tinagurian din siyang "Esong Paborek" dahil kapag may nakaka-away ay naghahamon ng laban sa gitna ng bukid dala ang kanyang mga kamagong at baston. Nag-aral kasi siya ng arnis noong araw. Kaya madalas ako ang taga-bitbit ng isang pares ng kamagong sa tuwing makikipag-bailey siya.

Noong gabing iyon ay nagtatalo sila ni Inang Saring. Subalit talagang hilig talaga ni tatang Esong ang bailey. Uma-ambon ambon noon kaya hindi na niya ako naisama. Kasama niya ang mga kumpanyero niyang sina lakay Janong, Eseng, Lodeng, at Enzo. Mga mahuhusay tumugtog sa sayawan.

Mag-iikawalo na ng gabi ng tahakin nila ang daan ng Nangalisan papuntang Gualsic kung saan sila tutugtog. Alam nila ang kuwento sa puno ng BAEG~. Malayo pa lang ay tinutugtog na nila ang sonatang "O Naraniag a Bulan". Malayo pa lang sila'y "nagdip-pes"(humapay) na ang puno ng kawayan sa tapat ng BAEG~. Sanhi para hindi sila makadaan. Tumigil sila sa pagtugtog at naghintay ng mga makakasabay papunta ng Gualsic. MAg-iisang oras na silang tugtog-usap-tugtog-usap ay walang dumaraan. Nandon pa rin ang humapay na puno ng kawayan. Pasado alas-nuebe na nang makarinig sila ng halinghing ng kabayo sa may puno,sinundan ito ng alulong ng isang aso. Lumalangitngit ang mga kawayan. Sa liwanag ng buwan ay kitang-kita nila ang isang tao na nakasakay sa kabayo na nagpapastol sa itaas ng kawayan.Kinakain ng kabayo ang mga talulot ng kawayan na parang sa pagkain ng kalabaw. Nakakakilabot ang bawat ngasab! ng kabayo.

Nagtatakbo sila pabalik ng Nangalisan. Humimpil sila sa bahay ni Lakay Marsing at naki-inom ng tubig. Pero nagsipulasan sila dahil walang-ulo ang inaakala nilang si lakay Marsing. Kinilabutan sila nang mapansing hindi bahay ni lakay Marsing ang natakbuhan kundi ang kalapaw (dampang-bukid) ni Lakay Orlan na malapit sa puno ng BAEG~! Sa takot ay niligid nila ang Dike at sinundan ang nakikita nilang ilaw sa bandang Curareng.

Pagkatapos nilang tumugtog sa sayawan ay na-atake sa puso si Lakay Enzo.

Usap-usapan talaga kahit noong maliit pa ako na kumukuha taun-taon ang puno na iyon. Wala pa kasing kuryente noon. Gasera lang. Sikat ka na kapag meron kang plaslayt. Meron mang telebisyon ay de-baterya (batterya ng truck).

Nitong huli kong sipat sa puno ay hindi na mayabong ang dahon. Wala na ding gaanong balita. Patay na ang mga membro ng "KUTIBENG BAND" na kung saan kasama si tatang Esong. Subalit, nasa kamalayan pa rin ng mga natitirang matatanda doon ang bawat pahina ng lagim na hinulma ng punong BAEG~.

(",)

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye dos): kasaysayang sambit ni lakay Culyan

Aandap-andap na ang ilawang tulos sa kalesa ni Lakay Culyan. Panay ang hagupit nito sa kabayo.

"..wag masyado Culyan..gabi na baka madapa ang kabayo..", alala ng asawang si Leoning.

"..kasano ketdi ket nagrawet iti salaan ken bailey dayta anak mo!..", salitang ilokano ni Lakay Culyan na ang ibig sabihin ay "paano napakatakaw dumalo ng sayawan yang anak mo!".

Sinundo ng mag-asawa ang anak nilang si Loring mula sa isang sayawan na ginanap sa Olea, isang karatig barangay na nasasakupan na ng Malasique. Halos apat na kilometro ang layo nito sa kanilang barangay.

"..ni amang lakay met, para minsan lang akong makipag-baeley!..", yamot nitong Loring.
"..em ket. puyaten na kami aminen ngaruden..",ni Lakay Culyan.
"..tama na, ikaw naman Loring bawas-bawasan mo ang pagiging "sumayet" (malandi) mo!..",ang Leoning na nangurot pa sa singit ni Loring.
"..annay Inang!!.."ang sigaw ng bata.

Hindi nila namamalayan na malapit na sila sa puno ng Baeg~.

Ang daanang iyon ang lubhang kinatatakutan ng mga taga baryo. Mas matindi pa ito sa kapaligirang pangsementeryo. Ang halos kalahating kilometro na naghihiwalay sa Baryo ng NAngalisan at Curareng ay katumbas ng 10 sementeryo na napag-iwanan sa tumana. Ang hilakbot ng lugar ay naaaninag sa kapusikitan ng gabi. Ang dampi ng hanging hahaplos sa bawat balat ay nakakapang-hilakbot! Ang bawat langitngit ng mga kawayan sa tabi ay animo naghuhudyat na may papadaang hari ng panginorin.

Nasa tapat na ng puno ang kalesa nina Lakay Culyan ng may biglang tumawid na napakalaking anino at sinampal ang kabayo! BUmulagta ito at nahagis si Lakay Culyan. Naiwan sina Loring at Leoning sa nadiskarel na kalesa. Agad nakasaklolo ang mag-ina.

Kinabukasan na kinuha ang bangkay ng kabayo ni Lakay Culyan. May mga nahintakutan. Meron namang nadaig ng katakawan. Kinatay ang kabayo at pinulutanan ng mga tomador.

Hanggang sa mamatay si Lakay Culyan sa gulang na pitumputwalo,hindi niya nakalimutan ang trahedya.

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye uno): kasaysayang sambit ni Apong Tuling

"..agkagay ka Tuling!", ang pasigaw ni Baket Ebay sa kasugpon(tawag sa katulong sa bukid) niyang si Tuling.

"..haanen,agdigos sak deretso..", tanggi ng bata habang isinisingkaw ang putikang pamatok kay kalakian.

Halos hindi makita ni Tuling ang kasalubong sa lakas ng ulan. Sumasagitsit sa himpapawid ang talim ng kidlat. Napakahaba ang dagundong ng kulog, animo mga higanteng tipak ng rumaragasang bato. Kailangan niyang bagtasin ang daan papuntang Curareng upang 'kaunin' ang natitirang binhi ng balatong(monggo)kina Lakay Abat. Dahil sa kapal ng ulan, halos hindi niya maaninag ang paligid sa kaliwa at kanan.Pihadong magkakabanggaan sila ng kasalubong kung meron man. Ang tanging nakikita niya ay ang mga sungay ni kalakian sa harap at ang ulnas sa likod. Tanging mga putik sa ibaba ang mapupuna. Lumalakas ang agos-tubig sa kalsada. Tinatangay ang maliliit na lumang-bato. Nagbubuo ng mumunting ipu-ipo upang tangayin ang mga dayami na iniwanan ng nakalipas na pag-aani. Nadudutdot ang mumunting damo na naguumusli pa lang, parang inalisan ng karapatang tumubo sa gitna ng daanan. Hindi na makalipad at mabagal na sa pagtakbo ang ibong Pugo, gustuhin mang hulihin iyon ni Tuling ay nangangamba siyang baka magwala si kalakian. Nagiging manipis ang guhit ng kidlat, kumakapal ang dagundong ng kulog, bumibigat ang buhos ng ulan,...bumibilis ang ragasa ng tubig!

Hindi na niya namalayan na nasa tapat na siya ng BAEG~,isang matandang puno na nasa pagitan ng dalawang baryo: Nangalisan at Curareng.

"..may multo sa puno ng baeg~!..", ito ang biglang sumagi sa isip niya. Usap-usapan na napakalakas magmulto ang punong iyon. Subalit mga mag-iikatlo pa lang ng hapon noon kaya hindi pa siya takot. Ang nakapagtataka lang ay hindi umuulan sa tapat ng Puno. Kitang-kita ng batang Tuling ang pangyayari. Para siyang itinulos sa pagkakasakay kay kalakian. Ang ikinakilabot niya at sanhi ng kanyang pagtatakbo ay nang mapansin niyang

hugis mukha ng matanda ang mga dahon ng puno!

.Maaaring malikmata ni Tuling yon. Subalit simula nang maganap iyon sa buhay niya ay humina na ang kanyang pandinig. Kaya binansagan siyang TULING, na ibig sabihin "bingi". Matanda na siya pero tila hindi tumatanda ang puno ng ~BAEG~ . (",)

ang imbalsamador

Patay na ng idating sa ospital si Hilda. Nalason ang dalaga. Ayon sa pinal na pagsusuri ng mga doktor ay may lason ang palamig na nainom ni Hilda mula sa bayan. Walang nagawa ang pamilya ni Hilda kundi ang mimighati at ipaubaya nalang sa may kapangyarihan ang lahat.

Maganda at seksi si Hilda. Maputi. Mabilog ang pangangatawan. Malulusog ang dibdib. Sapat na upang pagpantasyahan siya ng kalalakihan. Hindi nga lang nakapag-aral. May katangahan. Malimit kurtado ang utak. Makupad. Madalas nairal ang kabobohan.

Isa si Lando sa may lihim na pagnanasa sa kanya.

Dating matador si Lando. Minamani lang niya ang paghiwa sa tiyan at bituka ng mga bagong katay na baboy at baka. Sanay na sanay na syang dukutin ang lapay upang ihiwalay sa iba pang lamang-loob. Nanunuot sa kanyang pang amoy ang alingasaw na nagbubuhat sa kaloob-looban ng baboy. Nagugulat pa nga siya sa tuwing pumipintig pa ang dinukot niyang puso at atay ng baka. Sa uri ng trabaho ni Lando, sagana siya sa ulam at pulutan. Lagi siyang may soup #5. Laging namumugad sa dampa niya ang mga tomador at laklakero. "...lando, lando pulutan ay ihain, si gin gin ay amin nang aalugin...", ito ang kundiman na pumapalasak sa bunganga ng mga dumarayong manginginom. At sasaya ang umpukan. Magsisimula ang kabaliwan. Mistulang pista-pistahan. Kandarapa sa bidahan. Mahaba-habang inuman. Maya't maya pumapanghi na ang paligid. Sunud-sunod na ang "..gwarrkkss..". Nagiging mabalasik ang amoy ng kapaligiran. Humahalo na sa hanging amihan ang nakakangilong alingasaw buhat sa likido ng sikmurang kinulapulan ng ibat-ibang putahe na nilabutaw ng pamosong ".bilog ang mundo..". Arangkada na ang murahan, ang sigawan, awayan at awatan.

Walang pinag-iba ang dating trabaho ni Lando sa bago nyang trabaho ngayon. Ilang buwan na rin kasing pinag aaralan niya ang kasalukuyang propesyon. Wala namang pinagbago. Nanghihiwa pa rin ng tiyan at bituka. Subalit nakakarimarim para sa kanya ang pagkakaiba. Bawat pulandit at sirit ng dugo sa kanyang mukha at bisig ay nandidiri siya. Kinikilabutan siyang dukutin ang bituka ng tao. Paminsan-minsan niyang nasusulyapang napapangiwi ang mukha ng kanyang iniimbalsamong bangkay. Matapang at di kanais-nais ang amoy na nanggagaling sa kaloob-looban ng isang patay. Inaabot ng dalawa hanggang tatlong linggo bago matanggal sa pang amoy ni Lando ang rumehistrong alingasaw. Dura sya ng dura dahil laging naglalaway ang gilagid nya. Hindi siya makakain ng normal. Nasusuka siya pag nakikita ang lutong dinuguan ni tandang Edang. Maging ang paborito nyang estupado at adobong butu-buto na lutong-benta ni lakay Angcuan sa kanto ay tinatakwil nya. Tuna na binudburan ng skyflakes biskwit ang tanging pulutan nya sa pagtoma.

Nasa harapan niya ngayon si Hilda. Hubo't hubad. Isa nang malamig na bangkay. Nakatakda nyang imbalsamuhin. Subalit manhid na ang katawan ni Hilda. Manhid na rin ang katinuan ni Lando. Hindi mapugnaw ang nanggagalaiti nyang init sa katawan. Matagal niyang inasam at pinagpantasyahan ang katawan ni Hilda. Idinantay niya ang kanyang palad sa maumbok pang dibdib ng bangkay. Humihingal ang kaluluwa ni Lando! Ibinaba nito ang pagdakot sa tila malambot pang katawan. Humantong ang palad sa maumbok pang hiyas ng dalaga. Nanginginig niya itong sinalat-salat. Muling naglaro sa kanyang imahinasyon ang mga sandaling pinagpaparausan niya ito sa isip, madalas sa banyo. Hinubad niya isa-isa ang saplot ng bangkay ni Hilda. Umigting ang matinding pagnanasa. Maputi at mabilog ang dibdib ng dalaga. Sa paglambong ng dilim sa kurtado nyang utak, kinubabawan niya ang hubad na katawang-bangkay ni Hilda. Ilang ulit na nagsanib ang init sa lamig.

Tatlong Linggo nang nakalibing si Hilda. Tatlong Linggo na ring kakatwa ang mga gawi at kilos ni Lando. Unti-unting bumagsak ang kanyang katawan. Madalas na di naglalabas ng kanyang dampa. Tumumal ang pagtoma.

Nasa may gawing duluhan ng baryo ang dampang-bahay niya. May kalayuan din mula sa pinakahuling hanayan ng mga bahay-bahay. Isang umpok na kawayanan, apat na puno ng kamatsile, at mga tatlumpong hakbang mula sa pinakahuling hanay ng kamatsile patungo sa dampa nya. Gasera lang ang liwanag ni Lando. Madilim ang papunta doon kaya walang magtangkang lumakad pumunta sa dampa niya.

Simula ng maging imbalsamador sa punirarya sa bayan si Lando, dumilim na ang aura ng dampa nya. Madalas nang magsungit ang mga baka at kambing na nadaraan don tuwing takipsilim. Madalas makamalas ng mga nakabelong madre na akyat-manaog sa tarangkahan ng dampa ni Lando itong sina Impeng at Bebeng (nakatira sa pinaka-huling bahay ng baryo). Madalas makita nila ang mga multong yon pagsapit ng dilim.

Pinagmumultuhan si Lando.

Sa madaling araw naman ay maririnig ang malalakas na bayo mula sa alsong (giikan o bayuhan ng palay) ni Lando. Isang matandang babae ang nasusulyapang nagbabayo sa madaling araw. Maraming nagsasabi na hindi umaalis ang kaluluwa ng nasirang ina ni Lando sa dampang iyon.

Nakaririmarim ang mga alulong ng aso ni Lando sa hatinggabi.
Nitong huli, matapos malibing si Hilda. Gabi gabi nang umaalulong ang payatot na aso ni Lando. Naririnig sa katahimikan ng gabi ang alulong at ang basag na tinig ni Lando na sumasaway sa alibugha nyang alaga.

ISANG GABI..malamlam ang liwanag ng buwan. Hindi na masaway ni Lando ang aso sa pag alulong. Maya't maya ay naalulong ang pasaway niyang alaga. Ikut-ng ikot sa silong na parang may kinatatakutan. ALigaga ang aso. Biglang humaplos ang isang napakalamig na hangin. Nagtayuan ang mga balahibo ni Lando. Hinablot ang kumot at ikinulapol sa katawan. Malikot ang mga matang naghihintay ng mangyayari. Nanunuot sa bawat himaymay ng kanyang kalamnam ang dampi ng hangin. Ayaw niyang silipin ang silong ng bahay. Lumangitngit ang pintuan niyang gawa sa liso. Lalong naghumintintig ang mga balahibo ni Lando. Halos panawan siya ng ulirat sa nararamdaman niyang takot. Hindi niya magawang sumigaw. Namamanhid na ang kanyang katawan sa takot. Wala siyang maigalaw...wala siyang tinig na maipansigaw! Hindi na rin magagap ng kanyang pandinig ang kanina lang ay nakakabinging alulong ng kanyang aso sa silong. Humangin na ng mahinay..mahinay na mahinay., anupat lumililis ang mga kurtina sa may bintana. Naglulumikot ang mga mata ni Lando. Napapamulagat siya sa nakikita sa tuwing hinahawi ng hangin ang kurtina sa bintana--------ANG MALAMLAM NA MUKHA ni HILDA, NAKADUNGAW sa bintana!!! Pinagmumultuhan si Lando.


Kinabukasan, si Lando na ang iimbalsamuhin!!

multo, unang engkwentro

naalala ko noong bata pko, edad ko noon mga anim na taon, dekada 70 pa--wala pang serbisyo ng elektrisidad sa baryo na nilakihan ko. Na-ampon lang ako at pinalaki ng dalawang mag asawang matanda.

Simple lang yong naging karanasan ko about sa mga multo.

Bagong ani lang na mais noon at panahon ng lulubog-lilitaw ang buwan dahil maulap. Tanging dalawang gasera lang ang nagbibigay ng liwanag sa amin para "MAGPUSI" (salitang ilokano para sa trabahong mais--hehheh dko mailahad ang eksaktong salita sa tagalog, sa mga ilokano alam nila ito).

Sa balcon ng bahay kami gumagawa. Nakauwi na yong ibang kapitbahay at ng kami nalang ang natira sa balcon, napansin ng INANG ko ang mga anino sa may plaza. Mga aninong nagbibisekleta. Tandang-tanda ko kasi nakita ko mismo. Sa liwanag ng buwan maiitim na anino na nagbibisekleta. Wala namang ingay!

Matagal ng panahon. Patay na yung dalawang matanda, giba na ang dating bahay. Nandon pa rin ang plaza. Nitong huli kong uwi doon, naipagtapat ni manang JANING sa akin na madalas nakikita sa plaza ang anino ng dalawang matanda. :-(

Buhay pa sa aking alaala ang pangyayari nang mapansin kong kumukurap ang mga mata ng larawan ni virgin mary sa may altar namin..maaaring malikmata ko lang yon..Subalit may hilakbot na iniwan ang malikmatang iyon sa akin. Naging matatakutin ako na dala ko pa rin until now.

Isa sa mga dko malimutang bangungot ng isipan ko ay ang pag alulong ng isang aso sa puno ng BANGAR, isang puno sa may gitna ng bukid namin na nagkukonekta sa Baryo ng NANGALISAN at GATANG. kailangan kasing pumunta kami ni TATANG ISONG ko noon sa gatang para kuhanin ang mga "PINUSING MAIS". Nakasakay sa kalabaw si TATANG at ako naman sa hila-hilang ULNAS. Gabi na noon, mga pasado alas-10. Nang mapadaan kami sa puno na kung tawagin nila ay BANGAR, biglang nagsungit yung kalabaw! Kasunod ang nakakakilabot na alulong ng isang aso na nasa taas ng puno. " DUMALAN KAMI LAENG APO, HAAN NA KAMI NGA ANANUEN!" , tanda ko pang sigaw-sambit ni TATANG ESONG. Kinabukasan na kami nakauwi. Madalas ko noon pagmasdan ang puno kapag nagpapastol kami ng kalabaw. Hindi mo masilip ang loob ng puno, napakayabong kasi ng mga dahon at masanga. Usap-usapan na at isa nang alamat ang punong yon noon noon pa. Isang aso na umaalulong ang madalas magpakita doon at isang huklubang matanda ang naaaninag sa may ilalim nito kapag magdadapit-hapon na. Sa ngayon wala na yong punong yon..hanggang kwento na lang ng mga matatanda ang punong yon..Subalit, sariwa pa sa aking kamalayan ang pangyayari.,

Minsan masarap balikan ang mga lugar na bumalikat sa paglaki mo. Sa tuwing magbabakasyon ako doon lagi akong umiiyak, hindi dahil sa mga werdong naranasan ko. Kundi sa dalawang matanda na bumalikat sa akin, dahil noong mamatay sila, wala ako sa kanilang tabi, hindi ko sila nakita.

Nakaranas lang ako ng mga werdong ganyan since bata pko (mga edad 5-12) ..cguro dahil masyadong liblib yung baryo namin noon..or bunga na rin ng lagi kong pakikinig sa mga drama sa DZRH gamit ang de bateryang transistor..nasubaybayan ko ang ZIMATAR, MAGNON, KAPITAN KIDLAT, DANIEL BArtoLO ng Sapang BAto, at GAbi ng LAGIM! Halos isang aparador din ang mga koleksyon ko ng mga FANTASY komiks, HOLIDAY Komiks, THRILLER Komiks, (paborito ko ngang ilustrator at manunulat si Vincent Kua Jr--da best magsulat ng horror story). Hanggang ngayon nasa akin pa ang THE EXAMINER Newspaper magazine about sa kontrobersyal na pagkamatay ni Julie VEGA.