Friday, December 15, 2006

ANG PUNO NG "BAEG~" (serye dos): kasaysayang sambit ni lakay Culyan

Aandap-andap na ang ilawang tulos sa kalesa ni Lakay Culyan. Panay ang hagupit nito sa kabayo.

"..wag masyado Culyan..gabi na baka madapa ang kabayo..", alala ng asawang si Leoning.

"..kasano ketdi ket nagrawet iti salaan ken bailey dayta anak mo!..", salitang ilokano ni Lakay Culyan na ang ibig sabihin ay "paano napakatakaw dumalo ng sayawan yang anak mo!".

Sinundo ng mag-asawa ang anak nilang si Loring mula sa isang sayawan na ginanap sa Olea, isang karatig barangay na nasasakupan na ng Malasique. Halos apat na kilometro ang layo nito sa kanilang barangay.

"..ni amang lakay met, para minsan lang akong makipag-baeley!..", yamot nitong Loring.
"..em ket. puyaten na kami aminen ngaruden..",ni Lakay Culyan.
"..tama na, ikaw naman Loring bawas-bawasan mo ang pagiging "sumayet" (malandi) mo!..",ang Leoning na nangurot pa sa singit ni Loring.
"..annay Inang!!.."ang sigaw ng bata.

Hindi nila namamalayan na malapit na sila sa puno ng Baeg~.

Ang daanang iyon ang lubhang kinatatakutan ng mga taga baryo. Mas matindi pa ito sa kapaligirang pangsementeryo. Ang halos kalahating kilometro na naghihiwalay sa Baryo ng NAngalisan at Curareng ay katumbas ng 10 sementeryo na napag-iwanan sa tumana. Ang hilakbot ng lugar ay naaaninag sa kapusikitan ng gabi. Ang dampi ng hanging hahaplos sa bawat balat ay nakakapang-hilakbot! Ang bawat langitngit ng mga kawayan sa tabi ay animo naghuhudyat na may papadaang hari ng panginorin.

Nasa tapat na ng puno ang kalesa nina Lakay Culyan ng may biglang tumawid na napakalaking anino at sinampal ang kabayo! BUmulagta ito at nahagis si Lakay Culyan. Naiwan sina Loring at Leoning sa nadiskarel na kalesa. Agad nakasaklolo ang mag-ina.

Kinabukasan na kinuha ang bangkay ng kabayo ni Lakay Culyan. May mga nahintakutan. Meron namang nadaig ng katakawan. Kinatay ang kabayo at pinulutanan ng mga tomador.

Hanggang sa mamatay si Lakay Culyan sa gulang na pitumputwalo,hindi niya nakalimutan ang trahedya.

No comments: