Saturday, October 27, 2007

Ang Awra ng Matandang Seminaryo


Palibhasa pangalawang pagkakataon lang ako napadpad muli sa lugar na ito kaya nanghihilakbot ako! Hindi ko mawari kung dahil sa patung-patong ko nang kasalanan kaya parang itinatakwil ng mga panginoring nagsasalimbayan sa lugar na ito.

Gabi pa naman nang mapadako kami...

Sobrang tahimik...

Ang tanging nauulinigan ng malaki kong tenga ay ang kalansing ng mga matimtimang kutsarita at tinidora buhat sa kusinang iyon na hindi magagap ng aking gunita kong sang saluksok ng aking mga panaginip nagmula.

"..panginoon ko!", ang nasambit ko bigla habang unti-unting nananayo ang aking mga balahibo sa katawan..,"parang napunta na ako at nangyari na itong situwasyon ko ngayon!~"

Hindi mahuli ng aking balintataw kong ito'y sa panaginip ko. Ang tunog ng mga kutsara at tinidor..ang mahinay kong paglakad at ang paggala ng aking paningin sa kapaligiran. Parang pamilyar na pamilyar. Putek! Parang gusto kong maihi sa hilakbot!

Ayaw kong daanan ng tingin ang estatwang puti na iyon ng anghel, para kasing nakatitig sa akin..hihimatayin siguro ako kapag ngumiti iyon. Lintek naman! Kung anu-ano ang naglalaro sa malikot kong isipan. Seminaryo ito subalit pakiramdam ko nasa gitna ako ng sementeryo. Napakalamlam kasi ng mga ilawan sa pasilyo. parang sa bawat dilim na walang lambong ng liwanag ay may mga espiritung nagkakanlong.

Ayaw kong makakita ng kung ano pa man sapagkat 4 piraso ng 40g hard disk ang mabibitiwan ko kung sakali mang magulat ako.!

”xp, dito ka muna cr lang ako ha..”, ang sabi nitong kasama ko.

Tumango lang ako na nawawala sa hulog ng kaisipan. Para kasing may mga kasama kami sa lugar na iyon na kanina pa paroo’t parito. Sobrang tahimik ng lugar kabalintunaan ng kaguluhan sa isip ko.

”bro, ganito ba talaga dito sa seminaryo niyo?”ang tanong ko sabay haplos sa aking mga bisig na diko mapadapa ang mga balahibo kong kanina pa tirik na tirik!

”sa una lang yan bro..mamaya don tayo sa kabilang compound, mas maraming tsiks don.”, ang sagot nitong kasama ko.

”tsiks?”, ang tanong ko na waring nagtataka.

”mga madre yon wag kang maingay pero ang gaganda bro,makikinis ang balat!”, ang ngiting manyak nang kasama ko.

”buzet!”, ang mura ko.

Papanhik na kami sa itaas. Medyo mataas at matarik ang pagkaka-desenyo ng hagdan paakyat. Nagigitla ako sa mga dingding na adobe! May mga ukang-desenyo kasi na sa biglang tingin ay makakahinuha ang isip mo ng mga werdong larawan. Hirap pa naman ako sa pagpanhik dahil sa apat na 40g hdds at 3 boards na nakakahon pa.

Pagka-apak ko sa teris ng 2nd floor, humampas ang malamig na hangin sa aking mukha! Naunahan na ako ng hilakbot kahit alam kong normal lang yon. Sensitibo ako basta sa mga ganoong lugar. Ganoon na ganoon kasi ang pakiramdam ko noong nasa gitna kami ng sementeryo don sa Cauayan, Isabela,

Pumasok kami sa computer room ng matandang seminaryo. Lalo akong naiitaw dahil parang nangyari na ang ganoong eksena!

Whew~!

Hindi lang maapuhap ng pagod kong gunita kung sa panaginip or sa mga nabasa kong libro. Maging ang kasalukuyan kong pag-upo ay alam na alam kong nagawa ko na. Pati ang ayos ng mga monitors na nakahiga ay pamilyar na pamilyar. Lalong higit ang paglalapag ko ng aking dalang bag sa may lamesang may printer.

”bro, negosyo muna tayo bago trabaho!”, ang wika nitong kasama ko na ang ibig sabihin ay online muna kami sa TPC at i-post ang mga items na pagpapalitan ng mga dala naming high end items.

Napaka-werdo ng seminaryo!

Napalingon ako sag awing bintana. Nasulyapan ko ang mga naka abitong pari. Puting-puti ang suot. Sa ilalim ng malamlam na ilaw sa pasilyo ay tila wala silang mukha. Tanging ang kalahati lang kasi ng kanilang katawan ang hagip ng mga sinag.

”bro, magkano ba natin i-popost ang mga 10g hdd na ito?” ang hindi ko na masyadong narinig na pagtatanong ng kasama ko.

”oo bro yan nga yon.”, ang wala sa hulog kong sagot kay kupal.

”namu!, iba ang sagot mo sa tanong ko kupal!”, ang asiwa nang kasama ko.

Ilang minuto na rin kaming naka-online.

”bro pakisara mo nga yong pinto, naiirita ako eh!”, ng kasama ko.

Mukha kasing uulan kaya malakas ang palo ng hangin. Kanina pa lumalangitngit ang pintuang yantok. Sa totoo lang ayaw ko nang dagdagan pa ang kaba ko. Pero nautusan ako eh. Dami pa akong paliguy-ligoy na ginawa para makarating sa pinto. Sinisipat ko ang bawat kanto at paligid ng pasilyo.

Habang isinasara ko ang pinto ay may nakatawag ng pansin sa akin sa aking malikot na mata…..

"bakit may kabaong dito sa loob ng seminaryo~", ang dumadaipdip sa aking isip."sino ang patay!?"

Bigla akong naka-amoy ng matinding amoy ng alkohol! Biglang naglawa sa laway ang aking mga gilagid dahil sa amoy na yun. Katulad ng amoy noong iniimbalsamo ni ka PEdyong si nanay noong namatay. Ilang araw din kasi akong hindi nakakain dahil kitang-kita ko ang pagsulasok ng mga pakete ng pormalen (ata yun) sa nakabukakang bituka ng bangkay ni nanay.

"naisara mo nba bro yong pinto?ansama ng amoy!", naamoy din pla ng kasama ko na kanina pa walang puknat sa ka-YM niyang mestisa na kulutin ang buhok.

"bro, may namatay ba?", ang tanong ko sa kasama ko na aning na aning na sa kausap.

"oo, si father Religo, yong foreigner. d2 na inabutan daw ng kanyang oras. bumulagta kaninang bago magtanghali!", ang usal nito na ngingiti ngiti pa sa harap ng kompyuter.

"si pader Religo!?", nagigimbal ako sa nalaman. Eh paano ba naman. Malinaw na malinaw pa sa aking alaala na nilawayan niya ako at nagsabi pa na papasyalan daw niya ako minsan sa bahay upang malawayan din nya ang aking mga anak. Bumilib kasi nang matanggal ko ang vserver.vxd na nag-aappear kada start-up ng windows ng kanyang pc.

Bigla akong kinilabutan. Napa "in JESUS name! ako bigla kahit matagal na akong hindi nakakadalo ng fellowship. Nangilabot ako sa nalaman. Parang hindi lang kaming dalawa sa computer room na yon.

"oi Xp,", biglang tawag ng kasama ko."ipalit mo na yong mga 40g hard disk sa mga computer at ng makakain na tayo!"

Naunahan na ako ng sindak! Alam kong ang screw drive ay nasa ibaba!...

Nag-uunahan ang aking mga paa. Napipi ang mga yabag nito. Nabingi ang aking tenga sa isa-isang pagtutulusan ng mga balahibo ko sa batok. Para kasing andami kong kasabay sa pagbaba ng hagdanang tila may makakasalubong akong maligno. Kunwari lang kasi akong matapang sa pagsusulat ng mga ganitong kamultuhan, subalit tila nanguyot ang aking mga kamay sa tindi ng takot at sindak. Nakarehistro na kasi sa isipan ko na may namatay sa Seminaryong ito.

Unti-unti kong binuksan ang pintuan ng kuwarto kung saan nandon ang aking sadya. Hindi ko mahagilap ang switch ng ilaw sa tagiliran. Nang mula sa aking likuran ay nahagip ng aking malikot na mata ang biglaang pagdaan ng anino.

“Diyos ko”, sambit ko. “sana walang magpakita sa akin”.

Simula kasi noong magdadalo ako ng Fellowship noong nag-aaral pa ay madalang ng ako’y makakita.

Bigla kong nilingon ang aking likuran~!

Nakita ko ang estatwang anghel na may ilawang hawak na tila nakalingon din sa akin. Biglang gumaan ang aking buong katawan sa labis na sindak. Kinapa ko ng kinapa ang tool box kahit madilim. Pag-angat ko ng aking ulo ay nahagip na naman ng aking masid ang mga anino na silag sa bintanang salamin.

Hindi ako halos makahinga…! Ayaw kong sumigaw..Ayaw kong malaman ng kasama ko na naduduwag ako! At lalong ayaw kong magkaroon ng munting kasaysayang ilalathala ng mga Pari sa kanilang panseminaryong pahayagan.

“..papaanong magkakaroon ng dadaan sa likod ng mga bintana samantalang kabukiran na ang kabila noon…”, ang usal ng tila namamanhid ko ng kamalayan.

Lalo akong nangilabot nang mapagtanto kong nasa madilim akong kuwarto!

Nagtatakbo akong walang lingon-likod. Noon ko lang naranasan ang bigat ng mga paa ko sa pagtakbo na parang hindi ako nakakaalis sa aking kinalalagyan. Kumakaligkig ang buo kong kalamnan ng naalala kong bigla ang pagtakbo kong ito papaakyat ng hagdan mula sa kuwartong iyon na madilim.

“parang nangyari na ang pagtakbo kong ito”, ang usal ko sa aking sarili. Matagal ko na kasing panaginip ito.

Hindi ko na alam ang mga iba pang nangyari. Nakita ko na lang ang aking kasama na tinatapik ako sa pisngi.

“oi xp, bakit ka nakahandusay diyan? Bakit mo iniescrew ang pader?”, ang natatawang sambit ng kasama kong hindi lang malaki ang tiyan, nagdudumilat pa ang mga mata.

Hindi niya daw ako mahintay, at narinig niyang nagsusumigaw ako. Iniiscrew ko daw ang pader ng hagdanan. Unti-unting nagsilapitan ang mga pari at ibang mga bisita dahil sa bulahaw ko kanina.

“subalit hindi naman ako sumigaw”, ang usal kong marahan.

Nang alalayan ako sa pagtayo, masakit ang aking binti. Sakit na lagi kong nararamdaman kapag pinupulikat ako sa madaling araw.

“what happen brother?”, ayan na ang isang Pari. May kasama pang mga tila sombie nang mga foreigner na pari din, galing marahil sa walang puknatang pag-aayuno para sa kanilang bansa na inuulan ng matinding digmaang sibil.

“Namulikat itong kasama ko Pader,” sabi ng kasama kong malaki ang tiyan at mata.

“dalhin mo sa opis nang mahilot~!”, ang mahinahong pari.

Sumunod kami. Para kasing nananaginip ako. Iba ang awra talaga ng paligid. Tila may mga puwersang lumalatag at may mga panginoring nagkakanlong.

Habang hinihilot ako, nagulantang kami ng kasama ko sa sinabi at kinuwento ng pari…

Kwento nilang may nagpapakita talaga sa gawing iyon ng kuwarto. Nangalisag muli ang aking mga balahibo. Ang istatwa ng anghel na may ilawan ay napagkunan ng mga libradang pilak at ginto na pinagbuwisan ng buhay ng mga dating nakatalagang manghuhukay noon ng kayamanan. Ayon sa mga paniwala ng mga unang tumira sa seminaryo, ginapos at ikinulong ang mga kaluluwa ng mga nagsihukay ng sinasabing kayamanan. Mapapalaya lamang sila kapag muling inihukay pabalik ang mga ginto.

Hay! Hindi na ako nakatulog. May araw na ng lisanin naming ng kasama kong malaki ang tiyan at mata ang matandang seminaryo. Banaag ko pa rin ang hilakbot ng awra ng seminaryo sa kabila ng maluwalhating pagdungaw ng unang silahis ng araw sa umaga. Hindi magagap ng aking gunita ang mga nangyari. Kelan mananatili ang nakakahilakbot na awra ng matandang seminaryo?


Nasabi ko sa aking sarili. Babalikan ko ang seminaryong iyon, pero hindi ang mga kwentong nakahulma sa kanyang mga pader ng kasaysayan.~

Ang Puno ng Balite sa Sementeryo ng Cauayan


Nang mapadpad kami nina Lang-Ag sa Cauayan Isabela, hindi namin masyadong nakuha ang detalye ng mga lugar doon sapagkat ang walkman na gamit namin sa pagrerecord ay kinumpiska ng mga DENR nang maharang ang dala naming trak na may sakay na palay at mais.

Subalit hindi namin malimutan ang pangyayaring mapuntahan mismo ang balite na nakatanim sa gawing gitna ng sementeryo ng isang liblib na barangay doon. Nagkataong papunta ng Isabela ang trak ng tiyuhin ko upang ipalit ang mga sibuyas niya sa mga produktong mais at palay. Iba daw kasi ang uri ng binhing mais at palay roon.

Ipinagkatay kami agad ng aso nang dumating kami. Pasado alas singko na ng hapon. Mabigat ang dating ng lumang bahay na hinimpilan namin. Maraming mga nakasalansan na sako ng palay sa silong at sa gawing bubungan naman ay mga nakatulos na dahon ng tabako. Ika-walo na ng gabi ay tanging sa salas at silungan lang ng bahay ang may ilaw. Take note kung gaano kalabo ang ilaw: 20 watts na bombilya. Kung may mahahalo na bangaw sa kinakain namin noong gabi ay hindi ko na mapapansin.

Usapang laseng ang kuwentuhan ng mga tiyuhin ko kasama ang mga mapagbida na ring pahenante. Akala mo hindi na sila makakapagbuhat ng mga buriki ng sibuyas kinaumagahan dahil sa mga kaimposiblihan ng mga pinagkukwento. hehe.

Ganito yon:

Nang mabanggit ni Kolen (anak ng pinsan ng tiyuhin ko) ang sementeryo sa may malapit sa irigasyon nila ay nagka-interes kami. Doon daw kasi pinagpapatay ang mga kamag-anak nilang tumiwalag sa NPA. Bagamat sa may Santiago, Isabela sana kami mangongolekta ng alamat ni Lang-Ag, napunta kami ng Cauayan. (mahirap sumabit sa trak,hindi ka lng pala mangangamoy sibuyas, pagbubuhatin ka pa ng mga buriki, wahehe!).

Pero alam niyo, sa bahay pa lang nina Kolen napaka werdo~ na. Wala man lang kahit isang flourescent na ilaw. Puro bombilya. Eh pang kubeta lang kasi para sa akin ang bombilya. Eh basadik (basa-adik) ako noong panahong iyon. Hindi mo ako mapapatulog kapag hindi nagbabasa ng libro. Masakit sa mata ang sundot ng mga letra sa libretong GAPO ni Luahalhati Bautista. Malabo ang ilaw..Waaahhh! Puro alulong~ pa ng aso~! naunahan tuloy ako ng takot para umihi sa labas. Abah! sa bintana na ako nagpatarayok ng ihi. Mahirap nang magkasakit sa bato ano.!?.Mamuo pa sa asin yong ihi sa pantog ko. Lintek na mga alulong na yan!

Itong si Lang-Ag, palibhasa laking bundok, hayon naghihilik na. Ayaw ko namang magtalukbong. Mainit. Malikot ang mata ko na nakatingin sa kisame. Parang may makikita akong biglang susulpot. Dito ako naiinis sa isipan ko. Kung anu-ano ang hinahabing larawan. Hindi ko mapigilan. Hindi ko masaway. Lintek. Sinasadya kong sikuhin ang Lang-Ag para magising nang makasabay ko ulit matulog. Madaya ang kumag na ito. Kung baga sa takbuhan, wala pa ang putok ng baril nauna nang rumatsada. Hayun ang alulong na naman ng aso. Heto at naiihi na naman ako! Buset na pantog ito ayaw makisama. Biglang sumagi sa isipan na baka sa pag-ihi ko sa bintana ay may bigla akong makita. Nyaayy!~. Lintek. Tumawa na kayo kung gusto niyo dahil sa pitsel na ako umihi. Pero nakatulog din ako at salamat sa Diyos wala akong nakita.




Kinaumagahan, napakasarap ng kape. Si Lang-Ag ang nagtapon ng ihi ko sa pitsel, ahehe. Buti nga sa kanya. Inunahan niya ako sa pagtulog. Hindi marunong makisalo sa aking kalbaryo kagabi. Nyahaha! Pero seriously, mahusay ka-teamwork yang si Lang-Ag. Naalala ko noong umakyat kami sa bundok Banahaw, siya ang pumasan sa akin nang mamulikat ako mula sa tatlong tangke hanggang sa sinasabi nilang kapatagan. Igorot kasi itong si Lang-Ag, maiiksi ang binti pero siksik sa masel, mapapahiya ang pangil ng sasagpang na ahas. Sa tindi ba naman at tigas ng masel nito sa binti, nakooooowww!.

Tuloy tayo;

Tanghali pa lang ay naligo na kami sa irigasyon. Sarap lumangoy kahit mababaw. Niyaya ko si Kolen na puntahan ang sementeryo na may puno ng Balite, pagkatapos naming mananghali. Pumayag naman ito.



Pinapaitang kambing naman ang ulam. Ayosh ding makipag-deal itong tiyuhin ko. May cash na, mapapakain ka pa ng aso at kambing. Ayosh din itong partner ko. Naka-4 na plato ng kanin. Malaki kasi ang bodega kaya kahit sari-saring epektos maaari mong ipasok. Magkakape pa sa katanghaliang tapat. Susme!

Sa sementeryo na nga tayo;

tanging mga nagpapastol lang ng baka ang nakita naming papauwi na buhat sa masukal na sementeryo. Nitso,tuyong dahon, berdeng damuhan at talahiban ang makikita. Tatlo ang nakakikilabot na puno sa biglang tingin: akasya, kamatsile, at balite. Mayayabong ang mga dahon at nakahapay ang mga sanga na animo mga hagdan na may mananaog pagkagat ng dilim. Kinikilabutan ako na lapitan ang mga iyon. Tanghaling-tanghali pero ang nararamdaman kong hilakbot ay gayun na lamang. Grabe! (Nararamdaman niyo ba ang nararamdaman ko?) Para kasing may mga nakapalibot sa aming tatlo nong tanghali na iyon. Matindi. Kapag may manggugulat lang sa akin sa lugar na iyon, kakaripas nako. At kwidaw ka, hehe, meron nga: si Kolen biglang may itinuro na babaeng nagduduyan daw sa ilalim ng puno ng balite. Nginigg!!Lintek! Wala naman kaming makita ni Lang-Ag. Pero the feeling is mutual. Iisa ang reaksiyon ng katawan namin ng kasama kong Igorot. Nagtataasan ang mga balahibo namin. Nangangalisag ang pandama sa likuran. Ramdam namin ang impak ng kakaibang puwersa sa lugar na iyon. Napakalungkot. Hindi mo matagalan ang lugar. Ayaw ko nang ituloy ang paglapit sa puno. Para kasing may mga kasama kaming naglalakad sa loob ng sementeryo. Simulan lang ni Lang-Ag ang tumakbo at tatakbo na rin ako.



Pagkadating namin sa bahay nina Kolen ay sinumpong na siya ng kanyang sakit: epilepsy. Hindi ko matagalang tingnan siya na nagkikisay-kisay habang kagat-kagat ang isang kutsara at bumubula ang bibig. Eto ang nabanggit ng tatay niya nang nakasakay na kami sa trak para umuwi:

simula nang mapatay ang kuya niya ng mga NPA sa sementeryo, marami na siyang nakikita. Kayat sa tuwing sinusumpong ito ng kanyang dolot(epilepsy), nakakita na naman.




weird!