Friday, August 15, 2008

~Ang Ekis na Libingan~

(Totoo man daw o hindi ang anting-anting, tila marami sa mga pinoy ang lubos na naniniwala dito. Panahon noon ng aking paglilikom ng mga hindi pangkaraniwang kuwento para sa aking Tesis. Isang Balbasing tao ang aking nakapanayam upang ikuwento ang kanyang karanasan).

Isang taon na pala ngayon simula noong ilibing ng buhay ni Ameng ang dalawang pusang itim sa may ekis na daan.

"hoy Ameng magsinde ka na ng kandila sa altar ni Santo Nino anak,", ang utos sa kanya ng kanyang Ina.

Tinungo niya ang kuwarto sa itaas upang sindihan ang mga kandilang tila punglo kung tingnan ng biglaan.

Tumunog na ang pang ika-11 oras ng gabi sa araw ng Huwebes. Sinindihan na niya ang pinakahuling kandila ng pinakahuli sa tropa ng mga nakasalansang rebolto.

"Ameng, idala mo na rin itong hain para sa mga santo diyan", ang hirit ng kanyang Ina.

Si Ameng ang pinaka-bunsong anak ni Aling Renilda. aNAK niya ito kay tandang Basyo na isang Ermitanyo na pinagbabaril ng mga guerilyang huk sa pag-aakalang espiya ng gobyerno. Malaking bulas si Ameng. Payat nga lang. Bubot pa ang baba ay inuuslian na ng mga maiintrigang balbas. Hindi na rin mapigil sa kanyang manipis pang pisngi ang pag-uunahang pagdungaw ng mga wala pang karapatang tighiyawat. Nakikita pa sa mga singit ng kanyang leeg ang mga naiwang libag ng musmos na paglalaro sa ilalim ng mapagkit na sinag ng araw.

Subalit sa kamusmusang tingin, naroon ang dugo na ipinulandit ng kanyang amang Ermitanyo. Mahilig sa kababalaghan. Alipin ng mga gunam-gunam. Nasa dugo ang hilig sa mga bagay na pangkalikasan, maging ang mga misteryo sa kapaligiran ay pinapakialaman.

Nasa mga dalisdis na siya dala ang isang pala upang hukayin ang mga ibinaon niyang iyon isang taon na ang nakararaan, doon sa ekis na daan sa kabukiran.

"Ameng naihain mo na ba ang mga kakaning handog?!", ang nauulinigan pa niyang tinig ng nag-uutos na Ina.

Nagtago ang talim ng sinag ng buwan sa dilim ng ulap sa kalangitan.

Subalit kailangan niyang bilisan ang paglalakad upang sa pagtunog muli ng batingaw ng orasan ay masimulan ang paghuhukay.

Sa di kalayuan, may tila mga aninong nangagkayukuan sa lugar ng pinagbaunan. Nagtago ang talim ng sinag ng buwan sa dilim ng ulap sa kalangitan. Hindi na niya maaninag ang mga aninong yon. Nagpatuloy siya sa paglapit sa dako.

Sa bahay sa silid sa itaas nina Ameng, nagsimulang kumalansing ang mga abubot sa pagdarasal. Nagsimulang umalog ang mga rebolto ni aling Renilda.

Napatigil si aling Renilda.

Humampas ng daglian ang naliligaw na hangin.

May kakaibang kutob ng pagkatakot ang matanda. Ilang semana santa na ang dumaan ay ngayon lang nagparamdam ng gayon ang mga rebolto sa itaas ng silid.

"ameng..ameng..!", ang tanging nabigkas nito upang sukluban ang umaapoy na niyang sindak.

Sinimulang ihataw ni ameng ang dalang pala. Sa bawat alikabog na umaalimbukay ay lingon-tingala siyang nag-aapuhap ng mga mangyayari.

Sa kabilang ibayo ay hindi magkamayaw ang mga matatanda sa pagkanta ng pasyon. Palasak ang pabasa sa lugar nina aling Renilda. Inaalingawngawan ng mga kakatwang tono ang paligid.

Dinig iyon sa dakong kinaroroonan ni Ameng. Yon din ang mga kataga ng pasyong narinig niya noong isang taon habang inililibing niya ng buhay ang mga pusa. Ang kaibahan nga lamang ay hindi na si tandang Roseng ang kumakanta sa pabasa. Kamamatay lang nito noong nakaraang buwan.

Panay ang sulyap ni Ameng sa puno ng kamatsile sa malapit. Gumapang na ang sindak sa kanya nang makita niyang hinahampas ng malakas na hangin ang puno samantalang napaka-alinsangan sa kanyang kinaroroonan.

Panay ang sulyap ni Ameng sa puno ng kamatsile sa malapit. Gumapang na ang sindak sa kanya nang makita niyang hinahampas ng malakas na hangin ang puno samantalang napaka-alinsangan sa kanyang kinaroroonan.

Nakasampay sa mga sanga ng kamatsile ang tila mga aninong kanina pa nakamatyag sa kanya.

Apurahan niyang dinakot ang plastik na kinaroroonan ng mga kalansay ng pusa. Dali-dali niya itong binuksan upang hanapin ang buto na ayon sa kanyang Ermitanyong ama ay kumikinang ng kakaiba. Pagbukas palang niya sa plastik na yaon ay tumambad at sinilaw na siya ng butong iyon na kanyang hanap. Hudyat iyon upang daluhungin siya ng mga aninong nasa kamatsile at nang mga aninong nakayuko sa may di kalayuan.

pinagsasakal siya ng mga mahiwagang anino. Nagkakawag ito.

Sa malaking bahay nina Ameng ay nagwawala ang mga rebolto. Kusang humahagis ang mga ito sa mga dingding. May kung isang anino ring kumawala sa isa sa mga rebolto at tinungo ng mabilisan ang kinaroroonan ni Ameng na nooy yugto-yugto na ang paghinga. Sakal sakal siya ng mga anino. Hindi na niya marinig ang tila punibreng tono sa pampasyong awitin.

"isaboy mo sa kanila ang mga alikabok ng lupa~!", ang naaalalang wika ng Ermitanyo niyang ama. Nanlalabo na ang mga mata ni Ameng nang makadakot siya ng napaghukayang lupa sabay saboy sa mga aninong sumisikil at kumakalambre ng kanyang lalamunan.

Dumilim ang kanyang paligid.


Dumilat na siyang nasa kuwarto ng kanilang bahay na napapaligiran ng mga rebolto.

“hay salamat at nagkamalay ka na anak!”, ang nag-aalalang ina. “Ano ba nangyari sayo at nakabulagta ka sa krus na daan?”.

Hindi na muling nakaringgan ng tinig si Ameng. Hindi maapuhap ng kanyang isip kung ano ang nangyari matapos siyang mawalan ng malay. Nakalagan lang ang kanyang dila matapos ang isang linggo.


********


(“Bago kami maghiwalay, tinapos niya ang kanyang kwento. Sa tuwing madadaan siya sa ekis na daan na yon ay naaalala niya ang kanyang pagiging gahaman sa hindi totoong kapangyarihan. Ang mga unang tatlong taon niya pagkatapos ng pangyayaring iyon at batbat ng mga nakakakilabot na panaginip. Nawalan sya ng katahimikan. Nagsimula niyang lisanin ang kapatagan upang manatili sa mga burol ng Bongar, sa Malasique, bayan ng Pangasinan, kasama ang kalikasan.)