Friday, December 15, 2006

kaskaron

Pampatawag kisi-kisi
ni nanang ko napan diay sipi
napan nangala ti salapi
inted na kada kami


Ang matanda at maikling koro ng pangaluluwang awitin na aking nakagisnan. Matanda pa ito sa akin. Ilang henerasyon na rin ang kumatha nito at namamalasak sa tuwing ika-1-2 ng Nobyembre kada taon. Marami na ring naikuwento sa akin si amang lakay patungkol sa mga kakatawang nangyayari daw sa tuwing kinakanta ang maiksing koro na ito sa aming lugar.

Hindi ko malilimutan ang kurot sa aking puso mula sa kuwento ni Rita at Idis:

"Inang, gagawa ba kayo ng kaskaron ngayong araw ng mga patay?", ang tanong ni Idis sa Inang niyang namimiga ng mga nakudkud na niyog.

"oo, darating kasi sina manang mo Rita ngayon at paborito niya itong kaskaron (isang uri ng kakanin na hinulma buhat sa mga palad at niluto sa purong pulot' at sinakob)," ang sagot ng matanda sabay senga sa nakalaylay niyang manggas.

Sa di kalayuan, ay nananabas naman si Tandang Irvin ng mga dahon ng saging para sa gagawing latik at tupig.

"Inang si Amang lakay o sakang na sakang at bakit nanginginig ang mga tuhod habang kumukuha ng mga dahon?", ang nangungulit at walang magawang Idis.

"nakoooww~!ang kulet ng batang ito.punta ka muna sa bangsal at tingnan mo kung may tubig pa tayo", ang wika ng matanda.

"si Inang naman, utos-palsuot na naman..hmmmpp!~", ang tamad na bata.

Hindi alam ni Idis na ang tunay niyang nanay ay si Rita.

"magmano ka Idis..hoy..magmano ka kay Manang mo Rita o..", ang utos ng kanyang Inang nang makarating si Rita kasama ang asawa at tatlo pang anak nito.

Dumating din sina Carling at halos maubos ang latik at kakaning naihanda ng dalawang matanda.

"hoy Irvin, halika nga dito!", ang pasigaw ng matandang babae sa asawa.

Malapit kay tandang Irvin ang mga anak nina Rita at Carling. Kapag nauuwi ng probinsya ay kahit papaano'y naliligayahan ang matandang lalake. Madalas kasi itong magkuwento ng kung anu-anong kababalaghan sa mga batang paslit. Itinuring na niyang mga sariling apo ang mga batang ito.

"mga apokok~, mamayang gabi samahan ninyong humingi ng mga kakanin ang mga patay~!", ang marahang paglalahad ni tandang Irvin.

"baket po nanghihinge ng mga kakanin ang mga patay lolo Irvin?", ang tanong ni Idis.

"kasi, babaunin nila iyon sa kanilang paglalakbay. may mga kaluluwang nandito pa sa lupa at umiikot-ikot lang..", ang pagkukuwento na ng matanda.

Isinama ni Idis ang kanyang mga itinuturing na pinsan sa pangangaluluwa. MArami silang naipon na mga sari-saring kakanin mula sa mga bahay na kanilang kinakantahan.

"naku! bakit nyo naman pinagpunas ang tshirt ng asawa ko!?", ang pagpuputak ni Rita gabing-gabi.

"pasensyahan mo na ako anak ko, akala ko kasi punas namin yan dito sa kusina"., ang uubo-ubong tandang Irvin.

"kahit kelan talaga palpak kang matanda ka~!", ang nagpupuyos na galit na Rita.

"hayaan mo na, eh matanda yan, ano kaba?!", ang saway ni Dyunyor, sa nagpuputak niyang asawa.

"hay naku, tumatandang paurong yan, kahit noon pa hindi malinis ang bawat kilos niyan, sariwak-ka ang matandang yan.!", ang galit pa ring Rita.

"pasensya na anak ko, doon na lang ako sa kalapaw matutulog, hehehe.", ang patapik-tapik pang matanda sa balikat ni Dyunyor.

"pasensyahan nyo na yang anak nyo tatang, ganyan ugali nyan di ba?bat pa kayo don matutulog eh malamig don.?", ang naaawang Dyunyor.

Paika-ikang tinungo ng matanda ang kubo don sa bukana.

Napansin ng batang Idis na may mga taga-ibang ibayo na namang nagsasagawa ng prusisyon. Kitang-kita niya mula sa malayo ang pulutong ng mga kandilang ilawan. Ganito rin ang nakita nya noong isang taon habang nangangaluluwa sila sa bahay bahay. Ang pinagtataka lang ng kanyang murang isipan ay hindi nakakaderetso ang pulutong na nagpruprusisyon sa kanilang baryo. Kinabukasan na lang noong isang taon ay dalawang matatanda ang namatay.

Alas dose ng gabi nang umalulong ang aso ni tandang Elis. Mataas na ang araw ng makitang isa nang bangkay ang tandang Irvin. Nakabaluktot itong nakahiga sa munting kubo na yon sa bukana.

Sa isang linggong burol ng matanda, laging umiiyak ang Rita. Naaalala niya ang matandang labis na nagmahal sa kanya. Wala palang pagkukulang ang matanda sa kanya simula noong maliit pa siya. Nagalit lang ito at na-stroke nang siya'y makipagtanan at mabuntisan. Hanggang ngayon, hindi pa alam ni Idis na siya ang tunay nyang Ina.

Ngayon, ang kubo na iyon ay tinibag na. Subalit sa tuwing uuwi si Rita tuwing undas, nagsisindi siya roon ng kandila at hindi niya maapula ang luha sa tuwing maalala ang kanyang magaspang na turing sa matanda. Sa tuwing maririnig ang maigsing koro ng pangangaluluwang kanta na iyon ay iniisip niyang nasa paligid lang ang itinuring niyang ama.

No comments: