Tuesday, August 12, 2008

~Sukob sa Taon ~

Dalaga pa lang si nana Marta nang dapuan ng sakit na TB. Ito'y dahil marahil sa madalas na pagkababad sa sapa sa panghuhuli ng susu na siyang pangunahin nilang ikinabubuhay na magkapatid. Tanging si nana Marta ang hindi pinalad na magka-asawa samantalang ang kanyang nakababatang kapatid na si Aling Maring ang pinalad subalit minalas din pagkatapos ng halos labinglimang taon. Subalit naiwanan siya nito ng tatlong anak na babae.


"nana MArta, eto na po ang vics na pinabili nyo o~", ang bunsong anak ni aling maring habang inaabot sa tila naghihingalong nana Marta.

"Maring, mag-alay ka nga ulit ng mga pagkain sa nuno sa punso, baka ika ko nagtatampo na naman ang mga maliliit~", ang humihingal pang nana Marta.

Halos kada hapon ay malalalim na ubo ang maririnig sa munting kubo na yon sa gulod malapit sa sapa. Humuhupa lamang iyon kapag madaling araw na. Madalas umuungol ng nakakakilabot ang nana Marta. Sumasabay sa mga palakang waring umaalulong din sa magdamag.

Mabiling-mabili ang mga susu na benta ng mag-anak na Maring sa bayan. Bukod kasi sa natural na tubig-sapa ang pinang-gagalingan ay malasa talaga.

Isang tanghaling tapat nang umubo si nana Marta. Ang plema nito’y naidura niya sa butas ng sahig, kitang-kita ni Elle (ang panganay niyang pamangkin na nooy nagwawalis) kung paano higupin ng isang batang Ondin ang plema. Kaya pala wala nang nahahakot na mga plema si Elle sa umaga sa kanilang silong dahil may sumisimot na nito. Simula noon, lalong lumala ang ubo at lagnat ni nana Marta.

Taong 1995 ng Abril nang manghingalo ang nana Marta. Hinugot nito ang kanyang huling hininga ng ika-2 ng hapon ng Abril 17, tamang-tama sa oras at araw ng kanyang kapanganakan~!

Gimbal ang mag-anak!

Halos walang nakikipaglamay sa namatay. May mga gabing sobra sa lamig ang ihip ng hangin. Marahil dahil nasa tabi sila ng sapa. Bantulot ding gumawi roon ang mga nagnanais na makidalamhati dahil sa madalas na alulong ng hindi mahagilap na aso.

"hoy, bakit halos ayaw mo kainin ang mga biskwit?", ang tanong ng nagkakamot na Ellie kay Intoy.

Hindi makasagot ang Intoy sapagkat nagdudumaling tumalilis patungo ng likod-bahay upang ibulwak ang kanina pang nais lumabas sa kanyang sikmura. Halos matawag nito ang lahat ng mga talipandasing uwak sa kakasuka.

"hindi namin matunton manang kung nasan ang malansang amoy na iyon~!..nakakabaliktad ng sikmura e!", ang bigkas ng isang nananabakong matabang bubae.

"baka hindi naibaong mabuti ang mga pinag-imbalsamuhan kay nana Marta?", ang matabil na Inyang~!.

Tama si Inyang. Tamad ang imbalsamador kaya sa sapa nalang nito inihagis ang mga bagay na iyon. Dinadala ng napakalamig na hangin ang napakalansang amoy na iyon. INaalon ng hanging ito patungo sa bahay-bahay sanhi upang mawalan ng gana ang mga nakakaamoy.

Madalas may mga kakatwang nangyayari sa mga gabi ng lamay. Walang makatagal na manatili sa may silungan. Malakas daw magmulto si nana Marta. May mga pagkakataon na biglang may daraang anino sa kaligiran ng silungan. Ang mga magkakapatid maliban kay Ellie ay pilit nagsisiksikan sa may bandang gitna. Para daw kasi nilang nakikini-kinitang nakasilip sa mga awang ng dingding ang kanilang tiyahin.

Sa libing bumuhos ang taong nakiramay. Walang nangahas maglalabas ng bahay sa gabi pagkatapos ng libing at walang nangahas mag-araro sa bukid ng madaling araw. Malakas daw kung magmulto si nana Marta.

( Wala na ngayon ang mag-anak sa gulod. Narito na sa Manila sina Elle. Hindi ko sana isusulat at ilalagay sa aking blog ang kwentong ito..Pero nitong huli nang magkasabayan kami sa pagkuha ng Birth Certificate sa Census, nabanggit sa akin ni Ellie na magka-kumple-anyo sila ni nana Marta!)

No comments: