Sunday, April 29, 2007

ANG IMPIT NA HAGULGOL SA KULOS

Isang katanghalian tapat ng Abril 12, 1982 ng nasa bukid si Abet. Muli nyang pinasadahan ang kanyang mga padukdok (salitang ilokano na tumutukoy sa gamit pampain sa mga isda: binubuo ito ng isang kinayas na kahoy na hinabian ng lubid na inuslian ng sima na kung saan duon igagantsilyo ang alinta--bulate.)

Tuwing takipsilim siya kung magturok ng kanyang mga padukdok sa KULOS (bansag sa sapa na matatagpuan sa may pinaka dulo na ng bukid), pahaba ang sapang ito at dito ang bagsakan ng tubig sa tuwing umaapaw ang KARAYAN (tawag sa ilog na pumapalibot sa mga barangay Olea, Kurareng, Nangalisan, Caranglaan, at Gatang).

Bago lumubog ang araw ay nagkukumahog na itong si Abet upang maitanim na lahat ang mga pain. Para sa mga batang katulad nya, ang paglatag ng dilim sa TALTALON (bukid) ay masama. Animo sementeryo ito na kinakatakutang daanan o puntahan. Kinalikot na kasi ng mga kwento mula sa mga matatanda ang kanyang inosenting takot at nakubabawan na ng pagkasindak ang umuusli na nyang kamalayan. Bawat kakaibang kaluskos o tunog na maririnig sa gabi noon sa baryo namin ay may bagong interpretasyon at kuwento kinaumagahan.

Kinaumagahan na dinadalaw ni Abet ang mga padukdok nya at bago masindihan ni nanay nya ang pugon ay makakauwi na sya sa bahay upang mailuto na ang mga uwing huli. Apat silang magkakapatid, siya lang ang hindi napasok sa paaralan. Bihira syang makipaglaro sa amin noon ng tumbang preso at syatong. Tahimik lang. Kumbaga, taong bukid sya. Sa araw tiyak nasa bukid yan. Kung hindi nagpapastol ng kalabaw ay nasa kulos upang palitan ng mga bulate ang pain nya.

Sa buong karanasan niya sa bukid, noong katanghaliang tapat lang sya ng Abril 12, 1982 nakitang nagtatakbo at nagsisisigaw at putlang-putla. Hindi nakapagsalita si Abet at inapoy ng lagnat sa loob ng tatlong araw. May mga oras na nasaksihan ko ang pagtirik ng kanyang mga mata sa taas ng lagnat. Sa hirap ng buhay noon, dko makalimutan ang aligaga ng kanyang ina.

Mga pasado alas onse na noon at tirik na tirik ang araw. Mainit sa ibabaw ang haplos ng tubig sa kulos, subalit napakalamig ang dampi ng mga putik sa ilalim ng tubig, na sadyang pinagtaka ni Abet. Walang nahuli ang mga padukdok nya noon kahit isa. Tanging si lakay Irmo ang nakikita nyang nagpapastol ng baka sa gawi ng Gatang at paminsang-minsang nasusulyapan nya si Dante sa may maisan. Nakapag painum na ng mga baka sa kulos si tandang Beling kanina kaya sya na alng ang nasa sapa.

Masukal ang sapa. Matataas ang mga talahib maliban sa mga puno ng kamatchile na nakahabay sa bawat duluhan, wala ka ng makikita. Alam nyang mag-isa siya sa sapa. Kaya ng makarinig siya ng isang impit na hagulgol ay nagtaasan na ang kanyang balahibo. Sa hagulgol pa lang ay sapat na para mahintakutan si Abet. Lumalakas ang hagulgol! Lumalamig ang mga putik na nakasukob sa mga paa ni Abet. Ang hanggang hita na tubig ay lumalalim. Hindi nya alam na lumalakad sya papalapit sa LAPAT (isang napaghukayang lupa at tinuring na balon sa gawing gitna ng sapa). Nakakabingi ang hagulgol!!Nakakamanhid ang lamig ng putik sa mga paa ni Abet. Magaan na magaan na ang ulo nya sa sindak. Lahat ng talahib ay kinakapitan na nya!..Namalayan na lang nya na tumatakbo na sya pauwi ng bahay at papalayo sa kulos.

Naikuwento lang ito ng batang Abet matapos na makaligtas sya sa matinding lagnat. Isang taon syang hindi pinayagang makapunta sa bukid.
Ayon sa mga matatanda doon. Maaring ang multo ni manang ETRA ang nadinig ni Abet. Ang babaeng nalunod sa karayan buwan ng Oktubre 1981, panahon na sunud sunod ang bagyo at nagpakawala ng tubig ang AMBUKLAW DAM. Kasama si ETRA sa tinangay ng biglaang ragasa ng agos sa karayan. Doon na natagpuan ang naaagnas nyang bangkay sa kulos sa may gawing lapat na kung san narinig ni Abet ang IMPIT na HAGULGOL.

Sa ngayon, tuyot na ang kulos. Magkaron man ng tubig hindi na naiipunan. Agad na itong natutuyo. Sa tuwing umuuwi ako ng baryo namin, dko nalilimutang mag-uwi ng Gilbeys Gin. Sa gitna ng umpukan, nakakalabit sa usapan ang karanasan iyon. Hindi nya makakalimutan dahil muntik syang mamatay. Hanggang ngayon daw, dumadalaw sa paniginip nya ang bangungot na yon!

No comments: